Usap-usapan ngayon ang naging rebelasyon ng komedyanteng si Pooh matapos niyang ipasuri sa Maddox Jewelry ang ilang vintage rings na matagal na niyang inakalang mamahaling investment.
Sa isang candid na chikahan kasama ang tinaguriang “Queen of Diamond” na si Charo Cordial, ibinahagi ni Pooh na matagal na niyang sinusubaybayan ang live selling ng jewelry seller at ilang beses na rin umano siyang nagma-mine sa live sessions nito.
“Ako, hindi ko alam kung matutuwa ako na napunta ako rito dahil naiinis ako kapag nagla-live ka. Hindi mo nababasa, ‘Pooh the Comedian, mine, mine, mine!’ Hindi mo nababasa,” pabirong kuwento ng komedyante.
Nag-sorry naman si Ms. Charo at ipinaliwanag na dahil sa dami ng pumapasok na comments at buyers sa live selling, may mga mensaheng hindi agad napapansin. Dahil dito, nagpasya si Pooh na personal nang bumisita sa showroom ng Maddox Jewelry sa Marikina.
Ngunit mas naging seryoso ang usapan nang ilabas ni Pooh ang ilang vintage rings na ayon sa kanya ay matagal na niyang itinuring na investment at tinatayang aabot umano sa ₱7 milyon ang halaga.
Ipina-test niya ang mga alahas gamit ang testing tools ng Maddox upang malaman kung tunay nga ba ang mga ito.
Dito na lumabas ang nakakagulat na resulta.
Ayon kay Ms. Charo, base sa isinagawang testing, silver setting lamang umano ang mga singsing at hindi tunay na gold. Samantala, ang mga batong inakala niyang diamonds ay zirconia lamang at hindi totoong diamante.
Halos mawalan ng gana si Pooh matapos malaman ang resulta, lalo’t ayon sa kanya ay pinagkatiwalaan niya ang taong pinagbilhan niya nito na itinuturing pa umano niyang kaibigan.
“Baka hindi ko alam kung ano ang magawa ko. 7M? Tapos ang tagal lang na natutulog do’n sa bahay kasi hindi rin naman ako pala-alahas,” emosyonal niyang pahayag.
Nagbigay naman ng paalala si Ms. Charo sa publiko na maging maingat sa pagbili ng alahas at siguraduhing sa mapagkakatiwalaang seller lamang bumili. Mahalaga rin umano na may physical store at certificate of authenticity upang may proteksiyon ang buyers.
Bukod sa usapang alahas, napunta rin ang chikahan sa personal na buhay ni Pooh. Inamin ng komedyante na wala muna siyang lovelife sa ngayon dahil nakatutok siya sa kanyang negosyo kabilang na ang Purple Yum.
Naikuwento rin niya ang kanyang mahigit dalawang dekadang pananatili sa entertainment industry at kung paano niya pinipiling umiwas sa offensive na uri ng pagpapatawa—isang aral na natutunan niya noong panahon niya sa The Library.
Napag-usapan din ang matagal niyang pagkakaibigan sa aktor na si Piolo Pascual, na biro pa ni Ms. Charo ay tila crush umano niya.
“Good friends, very good friends. Pumupunta ako sa bahay nila. Lumalabas-labas kaming lahat,” ani Pooh.
Dalawampu’t tatlong taon na sa industriya si Pooh at patuloy pa ring napapanood sa iba’t ibang proyekto habang sabay na pinapalago ang kanyang negosyo.
Mapapanood pa ang kabuuan ng kanilang masayang usapan sa Facebook, YouTube, at TikTok pages ng Maddox Jewelry.

No comments:
Post a Comment